Mas tumindi pa ang lakas at naging isa nang Tropical Storm ang dating Tropical Depression na may international name na Nanmadol na minomonitor ng PAGASA sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa PAGASA Weather Bureau, namataan ang tropical storm kaninang alas-3 ng madaling araw sa layong 1,910 kilometers silangan ng extreme Northern Luzon.
Ang Tropical Storm ay may lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour malapit sa sentro at pagbugsong aabot naman sa 80 kilometers per hour na kumikilos patungong silangan-hilagang-silangan sa bilis na 10 kilometers per hour.
Mabagal itong kikilos pahilagang-silangan per lilihis ito patungong hilagang kanluran at posibleng pumasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bukas ng umaga o Biyernes ng gabi.
Sakaling pumasok ng par ang Tropical Storm, maari pa itong lumakas at posibleng itaas ang tropical cyclone at maging isang typhoon category at papangalanan bilang bagyong Josie.
Ayon kay PAGASA weather specialist Grace Catañeda, nananatili itong malayo sa kalupaan at hindi din ito direktang makakaapekto sa anumang bahagi ng bansa maliban na lamang kung hahatakin nito ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat na magdudulot ng mga pag-ulan lalo na sa western section ng southern Luzon at Visayas sa mga susunod na araw.