Halos hindi kumikilos ang Tropical Depression ‘Nimfa’ habang nasa hilagang bahagi ng Philippine Sea.
Huling namataan ang sentro ng naturang bagyo sa layong 685 kilometro, silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 70 kph.
Samantala, namataan naman ang Low Pressure Area sa Central Luzon sa bahagi ng Mayantoc, Tarlac.
Inaasahan itong sasanib sa ‘trough’ o buntot ng Bagyong ‘Nimfa’ sa loob ng 48 oras.
Dahil dito, inaasahang makararanas ng paminsan-minsang mahina hanggang katamtamang buhos ng ulan o pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan sa Metro Manila, CALABARZON, Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Ilocos Norte, Apayao, at nalalabing bahagi ng Central Luzon at MIMAROPA.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan at minsa’y malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa bahagi ng Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Romblon, hilagang bahagi ng Palawan kabilang ang Calamian at Cuyo Islands, Aklan, Antique, Iloilo at Guimaras.
Kalat-kalat na buhos ng ulan naman na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas.
Mapanganib din ang paglalayag sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa northern at eastern seabords ng Northern Luzon.