Humina at naging ganap na Low Pressure Area (LPA) na lamang ang bagyong Nona matapos manalasa sa malaking bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, humina ang bagyo dahil sa umiiral na amihan.
Huli itong namataan sa layong 75 kilometro Kanluran ng SBMA, Olongapo City sa Zambales.
Gayunman, makakaranas pa rin ng hanggang sa katamtamang mga pag-ulan sa bahagi ng Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.
Inaasahan namang malulusaw ang bagyong Nona sa West Philippine Sea ngayong araw.
‘Onyok’ Update:
Samantala, napanatili ng bagyong Onyok ang lakas nito habang nagbabanta sa bahagi ng Caraga Region.
Huling namataan ang bagyo sa layong 625 kilometro Silangan ng Hinatuan Surigao del Sur.
May taglay itong lakas na umaabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna, habang inaasahang gagalaw ito pa-Kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Nakataas na ang public storm signal number 1 sa Surigao del Sur kasama na ang Siargao Island, Surigao del Norte, Dinagat Province, Misamis Oriental, Camiguin, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Davao Oriental, Davao del Norte, Compostella Valley at Bukidnon.
Inalerto ang publiko sa mga bulubunduking probinsya sa mga posibleng flashfloods at landslides.