(Updated)
Bahagyang bumagal ang bagyong Nona habang napanatili nito ang kaniyang lakas at direksyon.
Ang sentro ng bagyong Nona ay pinakahuling namataan sa layong 1025 kilometro silangan ng Maasin City, Southern Leyte.
Taglay ng bagyong Nona ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at may pagbugso na umaabot sa 800 kilometro kada oras.
Ang bagyong Nona ay inaasahang kikilos pa kanluran hilagang kanluran sa bilis na 17 kilometro kada oras.
Bukas ng umaga, ang bagyong Nona ay tinatayang nasa layong 605 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, posibleng itaas ang public storm signal number 1 sa Bicol region at Samar provinces bukas ng umaga.
***
Kaugnay nito, posibleng hindi na lumakas pa ang bagyong Nona bagamat kailangan pa ring maghanda ng mga residente sa Visayas at Luzon.
Ayon kay PAGASA acting Administrator Vicente Malano kahit festive mood ang sambayanan dahil magpa-Pasko, hindi dapat maging kumpiyansa lalo na sa mga lugar na dadaanan ng bagyo.
Sinabi ni Malano na kapag El Niño ay abnormal ang pagdami ng tubig ulan.
Kailangan aniyang maghanda sa bagyo ang mga residente ng Catanduanes, Southern Luzon kabilang ang Mindoro at Batangas.
Ipinabatid pa ni Malano na mararamdaman ng Metro Manila ang epekto ng bagyong Nona at posibleng itaas ang public storm signal number 1 sa kalakhang Maynila sa kasagsagan ng bagyo.
Ibinabala rin ni Malano ang posibleng landslide sa Samar at pagbaha naman sa Cebu dahil sa bagyong Nona na inihalintulad nito sa bagyong Senyang na nanalasa sa Visayas noong isang taon at pumatay ng 60 katao.
Samantala, inihayag ni Malano na tiwala silang magdadala ng sapat na ulan ang bagyong Nona para naman makaagapay sa kakulangan ng supply ng tubig sa Metro Manila na epekto ng El Niño.
By Judith Larino