Patuloy kumikilos ang bagyong Obet patungong kanluran-timog-kanluran na huling namataan sa layong 555 kilometers silangang bahagi ng Basco, Batanes.
Ayon kay Pagasa weather specialist Benison Estareja, si bagyong Obet ay may lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 55 kilometers per hour habang kumikilos sa bilis na 20 kilometers per hour.
Patuloy na nakararanas ng mga pag-ulan ang southern Luzon at Visayas dahil sa inter-tropical convergence zone habang shearline at northeast monsoon o hanging amihan naman ang nakakaapekto sa bahagi ng northern luzon.
Asahan naman na patuloy na magpapaulan si bagyong obet sa malaking bahagi ng northern Luzon, Cagayan, Apayao, Babuyan Islands, Batanes, Ilocos Norte, Northern Ilocos Sur, Abra, Kalinga, sa susunod na 24-oras at posible itong magland-fall mamayang gabi o bukas ng umaga sa pagitan ng Batanes at Babuyan Islands.
Mataas din ang posibilidad na lumabas ng philippine area of responsibility bukas ng gabi si bagyong Obet patungong West Philippine Sea o sa bahagi ng southern China.
Dahil dito, nakataas parin ang signal number 1 sa bahagi ng Batanes, Babuyan Island, at northeastern portion ng mainland Cagayan kabilang na ang bayan ng Sta. Ana at Gonzaga.
Samantala, nakataas parin ang gale warning signal sa Batanes, Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands, Isabela, Ilocos Region, La Union, at Pangasinan kaya’t ipinagbabawal munang pumalaot ang mga kababayan nating mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat.