Mas lumakas pa ang bagyong onyok habang patuloy na kumikilos sa bahagi ng Philippine Sea, papalabas ng bansa.
Batay sa weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong onyok sa layong 285 kilometro silangan ng Basco Batanes.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras (120km/h) malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 150 kilometro kada oras (150km/h).
Kumikilos ito sa bilis na 25 kilometro kada oras sa direksyong hilaga kanluran.
Hindi na inaasahang tatama pa ito sa kalupaan ng bansa at posibleng lumabas na rin ng Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang gabi.
Gayunman nananatiling nakataas ang wind signal number 1 sa Batanes at Babuyan islands.
Kaugnay nito, asahan na ang kalat-kalat na mahina hanggang katamtamang lakas ng pag-ulan at thunder storms sa bahagi ng Cagayan Valley region bunsod ng trough o buntot ng bagyong onyok.