Nakataas pa rin sa Batanes at Babuyan Islands ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 habang napanatili ng Bagyong ‘Onyok’ ang kanyang lakas.
Ayon sa PAGASA, magdadala ng pag-ulan ang Bagyong ‘Onyok’ sa hilagang bahagi ng Luzon.
Panaka-nakang mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may kasamang pabugso-bugsong malakas na buhos na ulan ang mararanasan sa Batanes habang kalat-kalat na pag-ulan naman na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang mararanasan sa Ilocos Norte, Apayao at Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands.
Huling namataan ang bagyo sa layong 200 kilometro hilaga, hilagang-silangan ng Basco, Batanes.
May lakas ito ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot naman sa 150 kph habang kumikilos pa-hilagang kanluran sa bilis na 20 kph.
Inaasahan namang makalalabas sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong ‘Onyok’ sa Lunes ng gabi.