Nag-iwan ng matinding pagbaha sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila matapos manalasa ang bagyong Paeng kaninang madaling araw.
Nilubog ng bagyo ang ilang kalsada sa lungsod ng Maynila kabilang ang Taft Avenue, Padre Burgos at España habang ang TM Kalaw Street ay hindi madaanan ng sasakyan dahil sa taas ng baha.
Samantala, hindi rin madaanan ng mga sasakyan ang G. Araneta Avenue hanggang Caliraya Street sa Quezon City dahil sa naranasan ng hanggang tuhod na baha. Dahil dito, pinayuhan ang mga motorista na maghanap ng alternatibong ruta.
Sa lungsod ng Marikina, bahagyang bumaba ang lebel ng tubig sa Marikina River mula sa 17.3 meters hanggang 17.1 meters ngunit nananatili pa rin sa second alarm.
Naglunsad ng clearing operations ang flood control team mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga binahang lugar.—sa panulat ni Maze Aliño – Dayundayon