(11 AM Update)
Napanatili ng bagyong Paolo ang lakas nito na huling namataan sa layong 735 kilometro silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging papalo sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong aabot sa 145 kilometro kada oras.
Tinatahak ng bagyong Paolo ang direksyong pa-hilaga hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Samantala patuloy na binabantayan naman ang isang Low Pressure Area o LPA sa kanlurang, hilangang-kanluran ng Puerto Princesa City, Palawan.
Ayon sa PAGASA posibleng sumama ang LPA sa sirkulasyon ng papalakas na bagyong Paolo bukas.
Dahil dito maaaring palakasin nito ang ulan sa bahaging Bicol region, Eastern Visayas, Northern Mindanao at MIMAROPA gayundin sa Metro Manila na posibleng makaranas ng mga pag-ulan mamayang hapon.
‘On blue alert’
Nakalagay naman sa blue alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC bilang paghahanda sa posibleng epektong dulot ng papalakas na bagyong Paolo gayundin ang Low Pressure Area o LPA na huling namataan sa bahagi ng Palawan.
Ayon kay Mina Marasigan tagapagasalita ng NDRRMC, nagtalaga na ng kinatawan ang bawat sangay ng pamahalaan sa operations center na nasa Camp Aguinaldo kasabay na rin ng pagsasagawa ng pulong bilang paghahanda sa epekto ng naturang bagyo.
Bagamat aniya hindi inaasahang magla-landfall ang bagyo sa bansa mainam na rin maging handa dahil magdudulot ito ng pag-ulan sa kanlurang bahagi ng Visayas at Mindanao.