Lumakas pa ang Tropical Depression ‘Perla’ at isa na ngayong Tropical Storm.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang sentro ng Bagyong ‘Perla’ sa layong 790 kilometers, silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour (kph) malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 80 kph.
Halos hindi kumikilos ang Bagyong ‘Perla’.
Bagaman walang tropical cyclone wind signal na nakataas sa bansa sa ngayon ay magdadala pa rin ng kalat-kalat na pag-ulan na may kasamang pagkulog at pagkidlat ang Bagyong ‘Perla’ sa bahagi ng Batanes, Cagayan kabilang na ang Babuyan Islands at Apayao mula bukas, Sabado o Linggo.
Magiging mapanganib ding maglayag sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa bahagi ng Northern Luzon seaboards dahil sa maalong karagatang dulot ng northeasterly surface windflow.