Bahagyang lumakas pa ang bagyong Quinta habang nasa Philippine Sea at kasalukuyang nagbabanta sa mga lalawigan ng Bicol, Samar at Leyte.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, natukoy ang sentro ng bagyong Quinta sa layong 885 kilometro Silangan ng Catarman, Northern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 70 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyong Quinta pa-hilagang silangan sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Inaasahang lalapag sa kalupaan ng Bicol Region at Samar ang bagyong Quinta bukas ng gabi gayundin sa Lunes ng umaga habang tinutumbok nito ang bahagi ng katimugang Luzon.
Bagama’t wala pang nakataas na babala ng bagyo sa alinmang panig ng bansa, sinabi ng PAGASA na asahan ang mga pag-ulan sa Luzon at Visayas.
Samantala, nakaaapekto pa rin ang bagyong may international name na Saudel o dating bagyong Pepito kahit nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility.
Namataan ito sa layong 738 kilometro kanluran ng hilagang Luzon at patuloy na lumalayo sa bansa at tinutumbok naman ang bansang Vietnam.
Dahil dito, nakataas ang gail warning sa kanlurang bahagi ng Luzon kaya’t delikado sa mga mangingisda na maglayag sa mga panahong ito.