Bahagyang bumilis ang kilos ng Bagyong ‘Ramon’ habang kumikilos ito pa-Kanluran, Hilagang-Kanlurang direksiyon.
Huli itong namataan ng PAGASA sa layong 505 kilometers, silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot sa 70 kph.
Kumikilos ito pa-Kanluran, Hilagang-Kanluran sa bilis na 15 kph.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 (TCWS) sa Catanduanes, eastern Samar at silangang bahagi ng Northern Samar.
Dahil dito, makararanas ng mahina at katamtaman na may kasamang panaka-nakang malakas na buhos ng ulan ang mga lugar sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay at Sorsogon.
Mahina at katamtaman na may kasamang pabugso-bugsong malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa Camarines Norte, Masbate, Northern Samar at Eastern Samar.
Samantala, inaasahan namang lalakas pa at magiging isang Tropical Storm ang Tropical Depression ‘Ramon’ sa susunod na 24-oras.