Napanatili ng bagyong Ramon ang lakas nito habang tinutumbok ang Babuyan Island kung saan inaasahan itong maglalandfall ngayong Martes ng umaga, Nobyembre 19, hanggang mamayang hapon.
Batay sa weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang bagyong Ramon sa layong 120 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging umaabot sa 120kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanging umaabot sa 150kph.
Kumikilos ito sa bilis na 10kph sa direksyong kanluran hilagang-kanluran.
Inaasahan namang hihina ang bagyong Ramon oras na tumama na ito sa kalupaan.
Kaugnay nito, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa hilagang Cagayan habang Signal No. 2 sa Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao, Kalinga, Abra, Ilocos Sur, at Ilocos Norte.
Signal No. 1 naman sa hilagang bahagi ng Isabela, Mountain Province, Benguet, Ifugao, La Union, at Pangasinan.
Samantala, pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang binabantayang lpa o low pressure area (LPA) kaninang 2 a.m.
Huling namataan ito sa layong 930 kilometro silangan ng Guian, Eastern Samar at inaasahang magiging ganap na bagyo sa loob ng 24 oras.