Mas lumakas pa ang Bagyong Ramon habang mabagal na kumikilos palapit ng Northern Cagayan.
Batay sa weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang sentro ng bagyong Ramon sa layong 210 kilometro silangan hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora, o tinatayang 225 kilometro silangan ng Tuguegarao.
Taglay na nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 85 kilometro kada oras at pagbugso ng hanging umaabot sa 105 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 10 kilometro kada oras sa direksyong hilagang kanluran at inaasahang magla-landfall sa hilagang bahagi ng Cagayan mamayang gabi o bukas ng umaga.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa apat (4) na lalawigan kabilang ang Cagayan (kasama ang Babuyan Island); Hilagang bahagi ng Isabela (Sta. Maria, San Pablo, Maconacon, Cabagan, Sto. Tomas, Quezon, Tumauini, at Divilaacan); Apayao; at Kalinga.
Habang Signal No. 1 naman sa Batanes, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Abra, Mountain Province, Ifugao, Northern Aurora (Casiguran, Dilasag, Dinalungan), at ang nalalabing bahagi ng Isabela.
Kaugnay nito asahan na ang mahihina hanggang sa katamtaman na may panaka-nakang malakas na pag-ulan sa mga lalawigang nasa ilalim ng Signal No. 2 at No. 1.
Samantala, binabantayan din ng Pagasa ang isang pang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) o sa layong 1,860 kilometro silangan ng Eastern Visayas.
Inaasahang papasok ito ng bansa bukas at may posibilidad ding maging ganap na bagyo.