Patuloy ang pagbabanta ng Bagyong ‘Ramon’ sa bahagi ng Babuyan Islands, kung saan ito inaasahang magla-landfall.
Batay sa 11AM severe weather bulletin ng PAGASA, inaasahang magla-landfall ang Bagyong ‘Ramon’ ngayong hapon o gabi ng Martes sa Babuyan Islands.
Nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa hilagang bahagi ng Cagayan:
- Santa Praxedes
- Claveria
- Sanchez Mira
- Pamplona
- Abulug
- Ballesteros
- Aparri
- Calayan
- Camalaniugan
- Buguey
- Santa Teresita
- Gonzaga
- Santa Ana.
Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 naman sa:
- Batanes
- Apayao
- Kalinga
- Abra
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- nalalabing bahagi ng Cagayan.
Habang nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 naman sa:
- hilagang bahagi ng Isabela
- Mountain Province
- Benguet
- Ifugao
- La Union
- Pangasinan.
Dahil dito, inaasahan na ang pagkaranas ng mahina na may kasamang malimit na malakas na buhos ng ulan sa Batanes, hilagang bahagi ng Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao at hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan naman ang mararanasan sa hilagang bahagi ng Isabela, Kalinga, Abra, at nalalabing bahagi ng Cagayan at Ilocos Sur.
Paliwanag naman ng PAGASA, posibleng humina ang Bagyong ‘Ramon’ matapos nitong mag-landfall dahil sa interaksiyon nito sa lupa at ng Amihan.
Huli namang namataan kaninang 10AM ang Bagyong ‘Ramon’ sa layong 120-kilometers, silangan ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 120 kilometers per hour (kph) at pagbugso namang aabot sa 165 kph, halos hindi kumikilos.
Isang Loe Pressure Area (LPA) rin ang patuloy na binabantayan ng PAGASA na namataan sa layog 810-kilometers, silangan ng Guian, Eastern Samar.