Napanatili ng Bagyong ‘Ramon’ ang lakas nito habang mabagal na kumikilos pa-hilaga, hilagang-kanlurang direksiyon.
Huling namataan kaninang 10AM ang sentro ng Bagyong ‘Ramon’ sa layong 420 kilometers, silangan, hilagang-silangan ng Casiguran, Aurora o 460 kilometers silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot naman sa 90 kph.
Kasunod nito, makararanas naman ngayong araw ng Biyernes ng mahina hanggang katamtaman na may kasamang pabugso-bugsong malakas na buhos ng ulan ang mga sumusunod na lugar:
- silangang bahagi ng Cagayan at Isabela
- Bicol Region
- Romblon
- Panay Island, at
- Cuyo Islands.
Makararanas naman bukas, Sabado, ng mahina hanggang katamtaman na may kasamang panaka-nakanag malakas na buhos ng ulan ang silangang bahagi ng Cagayan at Isabela; habang mahina hanggang katamtaman na may pabugso-bugsong malakas na pag-ulan naman ang mararanasan sa mga sumusunod na lugar:
- Apayao
- Northern Aurora; at
- nalalabing lugar ng Isabela at Cagayan.
Pinapayuhan naman ang mga residente sa mga naturang lugar na mag-ingat sa posibleng maranasang pagbaha at landslides.
Samantala, nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Eastern portion ng Cagayan (Santa Ana, Gonzaga, Lal-lo, Gattaran, Baggao at Peñablanca)
- Eastern portion ng Isabela (Maconacon, Divilacan, Palanan at Dinapigue)
- Northern Aurora (Dilasag, Casiguran, at Dinalungan).
Inialis naman na ang Polillo Islands sa mga lugar na isinailalim sa TCWS No. 1.
Magiging mapanganib ding pumalaot sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa mga lugar kung saan nakataas ang TCWS, Northern Luzon seaboards, eastern seaboards ng Central at Southern Luzon dahil sa maalong karagatan.