Napanatili ng bagyong Ramon ang lakas nito habang kumikilos pa hilaga, hilagang-kanluran at inaasahang magla-landfall sa Isabela, Cagayan Valley sa Linggo, Nobyembre 17.
Batay sa tala ng PAGASA, dakong 4:00 pm huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kilometers silangang bahagi ng Baler, Aurora.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 65 kilometers per hour (km/h) at pagbugsong aabot naman sa 80 km/h.
Kumikilos ito pa-kanluran, hilagang-kanluran sa bilis na 15 km/h.
Inaasahang makararanas bukas, Biyernes, ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may malakas na buhos na ulan sa Cagayan at Isabela.
Posible namang makaranas din bukas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may panaka-nakang malakas na buhos ng ulan sa mga lugar ng Northern Aurora, Camarines Norte at Polilio Island.
Pinag-iingat naman ang mga residente sa mga naturang lugar dahil sa posibleng maranasang pagbaha at landslides.
Habang nakataas naman sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) 2 ang Catanduanes.
Nakataas naman ang TCWS no. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Silangang bahagi ng Isabela (Divilacan, Palanan, Dinapigue)
- Hilagang Aurora (Dilasag, Casiguran, Dinalungan)
- Polilio Island
- Camarines Norte
- Camarines Sur
- Albay
- Sorsogon
- Eastern Samar
- Northern Samar
Magiging mapanganib din ang pumalaot sa mga maliliit na sasakyang pandagat sa seaboards ng mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS), Northern Luzon seaboards, eastern seaboards ng Aurora at Quezon dahil sa maalong karagatan.