Nakatikim ng matinding hambalos ng super bagyong Rolly ang buong rehiyon ng Bicol ngayong umaga.
Unang nag-landfall ang bagyo sa Bato, Catanduanes kaninang mag-aala singko ng umaga habang naitala naman ng PAGASA ang ikalawang landfall nito sa Tiwi, Albay kaninang alas 7:20 ng umaga.
Bago pa man ang pagtama ng super bagyo, nakaranas na ng matinding pagbayo ng malakas na hangin at ulan ang buong lalawigan ng Catanduanes.
Ayon naman kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Mark Timbal, may mga available evacuation centers naman sa mga lugar na apektado ng bagyo na maaaring tuluyan ng mga nasalanta.
Ang mga evacuation centers ay handa at yung ating mga stocks ng relief items na kakailanganan ng ating mga kababayan ay nakakasa na rin, ready for distribution incase kailanganin ng ating mga LGU’s nandito, ready for deployment tayo,” ani Timbal.
24 oras naman aniyang nakabantay ang kanilang regional office sa Bicol upang alamin at i-ulat ang pinakahuling sitwasyon doon.
Ngayon ay minamatyagan natin yan, para sa ating mga kasamahan sa Bicol kung naririnig ninyo ako mag-ingat kayong lahat dyan, inaalala namin kayo, umaasa kami na mananatili kayong ligtas habang ating isinasagawa ang ating trabaho sa pagbabantay dito sa bagyong ito,” ani Timbal.