Lumakas pa at isa na ngayong Severe Tropical Storm ang Bagyong ‘Sarah’.
Makararanas ng mahina hanggang katamtamang pag-ulan na may kasamang pulo-pulong malakas na buhos ng ulan ang Isabela, Cagayan partikular na ang eastern section, Aurora, northern Quezon, Metro Manila, at malaking bahagi ng Central Luzon dahil sa ngayo’y Low Pressure Area na lamang na Tropical Depression ‘Ramon’ at buntot ng Severe Tropical Storm ‘Sarah’.
Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Batanes at Isla ng Babuyan habang inialis na sa naturang signal ang mainland Cagayan.
Gayunman, mabugsong hangin naman ang mararanasan sa northern at western sections ng hilagang Luzon, partikular na sa mga baybayin at bulubunduking lugar dahil sa Northeast monsoon.
Samantala, huling namataan kaninang 4AM ang sentro ng Severe Tropical Storm ‘Sarah’ sa layong 425 kilometers, silangan, hilagang-silangan ng Aparri, Cagayan o 340 kilometers silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kph.
Kumikilos ito pa-hilaga, hilagang-kanluran sa bilis na 25 kph.
Huli namang namataan ang ngayo’y isang Low Pressure Area na lamang na Tropical Depression ‘Ramon’ sa layong 110 kilometers kanluran ng Subic, Zambales.
Samantala, inaasahan namang unti-unting hihina ang Bagyong ‘Sarah’ bukas, Biyernes o sa Sabado at inaasahan ding lalabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado.