Nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Siony kaninang alas 12 ng hatinggabi at ngayo’y nasa katimugang bahagi na ng Taiwan.
Batay sa pagtaya ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyong Siony sa layong 470 kilometro kanluran ng Itbayat, Batanes.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 115 kilometro bawat oras.
Patuloy na kumikilos ang bagyong Siony sa direksyong kanluran – hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro bawat oras.
Kasunod nito, tinanggal na ng PAGASA ang babala ng bagyo sa buong lalawigan ng Batanes bagama’t asahan pa rin ang maalong karagatan sa paligid nito dahil sa hanging dala ng bagyo.
Samantala, binabantayan din ng PAGASA ang isa pang Low Pressure Area o namumuong sama ng panahon sa silangang bahagi ng Mindanao.
Batay sa datos ng PAGASA, namataan ang nasabing sama ng panahon sa layong 705 kilometro silangan ng Surigao City, Surigao Del Norte.
Patuloy itong kumikilos sa direksyong pa kanluran – hilagang kanluran at inaasahan itong papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mamayang hapon o gabi .
Ayon sa PAGASA, malaki ang tsansa na maging isang ganap na bagyo ang binabantayang sama ng panahon at tatawagin itong Tonyo.