Napanatiling ng Bagyong Siony ang lakas nito habang patuloy na kumikilos sa direksyong kanluran, hilagang-kanluran sa bahagi ng Philippine Sea.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA (As of 11AM), huling namataan ang sentro ng Bagyong Siony sa layong 620 kilometro, silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 65 kilometers per hour (kph) at pagbugsong umaabot sa 80 kph.
Kumikilos ito sa bilis na 40 kph.
Ayon sa PAGASA, tinatayang babagal ang kilos ng Bagyong Siony at halos hindi gagalaw bukas ng umaga o sa Miyerkules at saka nito tatahakin ang extreme northern Luzon.
Inaasahan namang mananatili bilang tropical storm category ang Bagyong Siony sa loob ng tatlo hanggang apat na araw.
Sa kasalukuyan, nagdudulot ng mahina hanggang katamtamang lakas ng pag-ulan ang trough o buntot ng Bagyong Siony sa Batanes, Cagayan at Isabela.