Bahagyang humina ang bagyong tisoy habang patuloy nitong tinutumbok ang direksyon patungo sa lalawigan ng Catanduanes.
Batay sa pinakahuling datos mula sa PAGASA, huling namataan ang bagyong tisoy sa layong 705 kilometro Silangan ng Virac, Catanduanes.
Taglay pa rin nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 170 kilometro bawat oras.
Patuloy na kumikilos ang bagyong tisoy sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras.
Dahil dito, nakataas na ang babala ng bagyo bilang 2 sa mga lalawigan ng Catanduanes gayundin sa Northern at Eastern Samar.
Habang nakataas naman ang babala ng bagyo bilang isa sa mga lalawigan ng Quezon kabilang na ang Polilio Island, Camarines Norte at Sur; Albay, Sorsogon, Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Island; Marinduque at Romblon.
Gayundin sa mga lalawigan ng Aklan, Capiz, hilagang Iloilo, hilagang Antique, hilagang Negros Occidental, hilagang Cebu kabilang na ang Biliran at Camotes Island; buong lalawigan ng Leyte at Southern Leyte maging ang Dinagat Islands.
Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na gawin ang ibayong pag-iingat sa posibilidad ng biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.