Tuluyan nang lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong ‘Tisoy’ kaninang alas-8 ng umaga habang humina pa ito mula sa Tropical Storm ay isa na lamang Tropical Depression.
Batay sa tala ng PAGASA, huling namataan kaninang alas-10 ng umaga ang bagyong ‘Tisoy’ sa layong 705 kilometro kanluran, hilagang-kanluran ng Coron, Palawan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) at pagbugsong aabot naman sa 70 kph.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 15 kph.
Inaasahan namang magiging isang Low Pressure Are (LPA) na lamang ang Bagyong ‘Tisoy’ sa loob ng 24-oras sa bahagi ng West Philippine Sea.
Dahil dito, nagpalabas na ang PAGASA ng huling weather bulletin ngayong alas-11 ng Huwebes ng umaga, December 5, hinggil sa naturang bagyo.
Samantala, patuloy pa ring nakaapekto sa bahagi ng northern at central Luzon ang dalawang weather system.
Ito’y dahil nakatutok ang tail-end ng cold front sa silangang bahagi ng northern Luzon, dagdag pa ang umiiral na amihan o northeast monsoon sa nalalabing bahagi naman ng northern Luzon.
Magdudulot ito ng mga pag-ulan sa naturang bahagi ng Luzon.
Samantala, isang LPA ang binabantayan ng PAGASA sa labas ng PAR.
Huli namang namataan ang LPA sa layong 2,515 kilometers silangan ng Hinatuan, Suriagao Del Sur.
Bagamat maliit ang tiyansa nitong maging bagyo sa loob ng 24-oras, posible itong malusaw o di kaya ay pumasok ng PAR ngunit bilang isang LPA lamang.
Patuloy naman itong minomonitor ng PAGASA.