Bahagyang bumilis ang bagyong Ursula habang tinutumbok ang eastern Visayas.
Batay sa pinakahuling weather bulletin ng Pagasa, huling namataan ang bagyong Ursula sa layong 790 kilometro silangan hilagang-silangan ng Hinatuan, Surigao Del Sur.
Taglay pa rin nito ang pinakalamalakas na hanging umaabot sa 65 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 80 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 30 kilometro kada oras sa direksyong kanluran hilagang-kanluran.
Ayon sa Pagasa, posibleng mas lumakas pa ang bagyong Ursula at magiging severe tropical storm bago ang inaasahang pag-landfall sa bahagi ng eastern Visayas bukas ng hapon o gabi, Disyembre 24.
Sa kasalukuyan, itinaas na ng Pagasa ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) Number 1 sa Sorsogon; Masbate, kabilang ang Ticao Island; eastern Samar; northern Samar; Samar; Biliran; Leyte; southern Leyte; northern Cebu; central Cebu; northeastern Bohol.
Gayundin sa Dinagat Islands at Surigao del Norte kabilang ang Siargao Islands.
Pinag-iingat naman ng Pagasa ang mga residente sa Dinagat Islands, Siargao at Bucas grande Islands, eastern Visayas, Sorsogon, Masbate, Romblon, Aklan, Antique, Capiz, Iloilo, Guimaras at northern Cebu, at Negros Occidental dahil sa inaasahang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.