Unti-unti nang bumababa ang tubig sa ilang mga apektadong lugar sa lalawigan ng Isabela na naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Ito inihayag ni Isabela Governor Rodito Albano, matapos na malubog sa baha ang nasa one-third na bahagi ng kanilang lalawigan bunsod ng epekto ng pananalasa ng bagyong Ulysses.
Sinabi ni Albano, maituturing nila ito bilang pinakamatinding naranasang pagbaha ng Isabela sa loob ng 42 taon.
Aniya, maging ang kanilang mga rescue boats at evacuation center ay na-overwhelmed o hindi kinaya ang sitwasyong dulot ng malawakang pagbaha.
Malaking kapinsalaan ang ginawa nitong bagyo na ito, na-overwhelm kami lahat pati mga rescue teams namin na-overwhelm, yung mga boats namin na binili namin na pinaghandaan namin, yung mga binili namin mga 48 horse power hindi nakayanan ng mga bangka dahil sa lakas ng daloy ng tubig. Kung ano yung Ondoy sa Manila noon mas malakas pa doon ang nangyari sa amin pati yung mga evacuation centers sa amin na-overwhelm din, hindi nakayanan nabaha rin,” ani Albano.
Samantala, nananawagan naman si Albano sa national govenrment ng suplay ng mga gamot at vitamins para sa kanyang mga nasasakupan.
Ani Albano, kanila nang pinaghahandaan ang posibleng maging epekto ng naranasang sakuna ng lalawigan tulad ng pagtaas ng kaso ng dengue, malaria at maging ng COVID-19.
Ang pinaghahandaan ko ngayon ay yung post plan in effect kasi parang post traumatic effect nung plan, kasi magkakaroon na ng dengue, COVID, magkakaroon na ng pneumonia, mga tao may sakit mag-conduct kami (ng aksyon) para hindi magkaroon ng malaria, dengue, mga lamok dumadami na ulit ,” ani Albano.