Dapat tuluyan nang i-condemn ng pamahalaang lokal ang bahagi ng minahan sa barangay Ucab Itogon Benguet kung saan nalibing ang maraming tao dahil sa landslide.
Ayon kay Director Ruben Carandang ng Office of Civil Defense sa Cordillera Administrative Region, tinapos na nila ang retrieval operations dahil narating na nila ang portal ng tunnel.
Sa kabuuan ay umabot sa animnapu’t lima (65) ang nahukay na labi at karamihan sa mga ito ay nakuha na ng kani-kanilang mga pamilya.
Sinabi ni Carandang na mayroon pa silang siyam na nasa pansamantalang libingan, pito rito ay pawang bahagi lamang ng katawan samantalang dalawa ang buo subalit hindi pa nakikilala.
Bukas nakatakdang magsagawa ng ritwal sa ground zero ang pamahalaang lokal ng Itogon para sa mga nasawi sa landslide.
(Tolentino Online Interview)