Inabot ng tatlong (3) oras ang pagbibilang at verification procedures sa 4.6 million dollars na isinauli ng kampo ng negosyanteng si Kim Wong.
Bahagi ang naturang halaga ng 81 million dollars na ninakaw sa account ng Bangladesh government sa New York sa pamamagitan ng computer hacking.
Kahapon, personal na nagtungo sa tanggapan ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang abogado ni Wong na si Atty. Inocencio Ferrer dala ang nasabing halaga ng salapi.
Bantay sarado naman si Ferrer ng AMLC nang magtungo sila sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa turn over.
Kasunod nito, binigyang diin ni Ferrer na walang pananagutan sa batas ang kanyang kliyente dahil biktima rin aniya ito ng mga ka-transaksyon sa casino.
Immigration watchlist
Inilagay na sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration (BI) ang negosyanteng si Kim Wong.
Si Wong ang itinuturong bigtime junket operator na sangkot sa 81 million dollar money laundering scam.
Ayon kay Immigration Spokesperson Nikki Reyes, inutusan sila ng Department of Justice (DOJ) na ilagay ang pangalan ni Wong sa kanilang watchlist.
Bagama’t malaya namang makalabas ng bansa si Wong, sinabi ni Reyes na kanila pa ring i-uulat sa DOJ ang anumang magiging aktibidad nito.
Una nang tiniyak ni Wong sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na wala siyang balak lumabas ng bansa kasabay ng pangakong ibabalik ang lahat ng perang ninakaw sa Bangladesh Government.
By Jaymark Dagala