Nagmistulang parking lot o paradahan ng mga truck ang northbound lane ng Roxas Boulevard sa Maynila na sinabayan pa ng pag-ulan ngayong umaga ng Biyernes.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Metrobase, naipon ang mga container truck sa naturang kalsada dahil hindi makapasok sa pier ng Maynila ang mga ito matapos suspindihin nag kanilang operasyon bunsod ng masamang panahon.
Ito umano ay upang maiwasan ang anumang uri ng aksidente dahil delikado para sa mga truck na gumamit ng magnetic lifter para magkarga o magbaba ng mga container van dahil sa nararanasang malakas na hangin na kasama ng ulan.
Gayunman, ayon kay Aduana Business Club president Mary Zapata, bagaman sarado ang pier ay walang natatanggap na abiso ang mga operator ng truck na kanselado na rin ang kanilang appointment para magkarga at magbaba ng container.
Samantala, kasunod nito ay pinayuhan na rin ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga motoritsa na huwag nang dumaan sa mga kalsada patungo sa pier na apektado ng matindi at masikip na daloy ng trapiko ngayong araw na ito.
with report from Aya Yupangco