Umarangkada na ang panibagong military drills ng China sa bahagi ng South China Sea.
Dahil dito ay isang bahagi ng China Sea ang isinara ng China upang bigyang daan ang kanilang military drills na sinimulan sa araw na ito hanggang sa araw ng Huwebes.
Ayon sa maritime administration ng China, ang bahaging isasara ay nasa bandang East Coast ng Hainan Province na may kalayuan sa Paracel Islands at mas malayo mula sa Spratlys.
Sa loob ng apat na araw, hindi umano papayagan ang pagpasok ng kahit anong sasakyang pandagat sa itinalaga nilang lugar para sa kanilang military drills.
Una rito, ilang araw bago ilabas ang desisyon ng Permanent Court of Arbitration na pumapabor sa Pilipinas ay nagsagawa rin ng military drills ang China sa pinagtatalunang lugar sa West Philippine Sea.
Pinoy fishermen
Samantala, pinag-iingat ni Zambales Gov. Amor Deloso ang mga mangingisda laban sa pagpalaot sa Scarborough Shoal.
Ito, ayon kay Deloso ay dahil hindi naman agad epektibo ang anumang desisyon sa mga kaso katulad na lang ng paborableng desisyon ng Permanent Court of Arbitration.
Tiniyak din ni Deloso na maliit na bilang lamang ng mga mangingisda sa Zambales ang apektado nito at nakahanda din sila na magkaloob ng tulong sa mga ito.
By Len Aguirre | Katrina Valle | Karambola