Isasara ang bahagi ng southbound lane ng Roxas Boulevard, bukas, July 7.
Ito ay para magbigay daan sa isasagawang clean-up activities sa Manila Bay.
Sa abiso ng Public Information Office ng Manila Police District (MPD), sarado mula 3 ng madaling araw hanggang 7 ng umaga, bukas ang southbound ng Roxas Boulevard mula Katigbak Drive hanggang P. Ocampo.
Kaugnay nito naglatag ng alternatibong ruta ang MPD na maaaring pansamantalang daanan ng mga motoristang apektado ng pagsasara ng bahagi ng Roxas Blvd.
Ayon sa MPD, lahat ng mga sasakyang manggagaling ng Bonifacio Drive ay maaaring kumaliwa sa P. Burgos Ave. para makapunta ng kanilang destinasyon.
Habang maaari namang dumiretso sa Taft Avenue ang mga motoristang manggagaling sa Jones, Mcarthur at Quezon Bridges.
Kinakailangan namang kumanan sa Bonifacio Drive o mag-U turn sa eastbound lane ng P. Burgos Ave. ng mga motoristang dadaan sa westbound nito habang ang mga manggagaling T. Kalaw patungong Roxas Blvd. ay kinakailangang kumaliwa ng M.H. Del Pilar St.