Makararanas ng bahagyang kaginhawahan ang ilang bahagi ng bansa ngayong weekend mula sa napakainit na panahong naramdaman nitong mga nakaraang araw.
Ito, ayon sa PAGASA, ay dahil sa mararanasang panakanakang pag-ulan at pag-kulog sa ilang bahagi ng bansa na inaasahang magtatagal ng hanggang dalawang oras.
Gayunman, ayon kay PAGASA weather forecaster Joey Figuracion, mahirap pang tukuyin ang eksaktong lugar at oras ng mga pag-ulan.
Paliwanag ni Figuracion, ang panaka-nakang pagkulog ay bunsod ng labis na init na temperatura na nararanasan sa buong maghapon.
Samantala, nakaaapekto rin aniya ang easterlies na nagdadala ng maalinsangang panahon sa bansa.