Inaasahan ang bahagyang mainit na temperaturang mararanasan sa mga mabababang lugar sa bansa sa mga susunod na buwan.
Epekto ito ng lumalakas na El Niño phenomenon.
Sinabi ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na mararanasan ang bahagyang mainit na temperatura sa mga lowlands ng Luzon at Mindanao ngayong Setyembre at malapit sa katamtamang temperatura sa Visayas.
Samantala, bahagyang malamig na panahon naman ang mararanasan sa mga bulubunduking rehiyon ng Luzon at Mindanao.
Sa Oktubre, asahan naman ang malapit sa katamtamang temperatura sa mabababang lugar sa Luzon subalit bahagyang mainit sa mga mabababang lugar ng Visayas at Mindanao at sa mga bulubundukin ng Mindanao.
Samantala, bahagyang malamig na temperatura naman ang mararanasan sa mga bulubunduking lugar sa Luzon.
Mula Nobyembre hanggang Enero, bahagyang mainit na temperatura ang mananatili sa buong bansa.
Sinabi ng PAGASA na ang pagkonti ng ulan ay tinatayang mararanasan mula Pebrero ng susunod na taon sa iba pang lugar sa bansa.
By Mariboy Ysibido