Nakitaan ng bahagyang pagtaas ng COVID-19 infections ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay OCTA research fellow Dr. Guido David, sumampa sa 13.3% ang positivity rate noong September 9 mula sa 12.1% noong September 2.
Ang positivity rate ay tumutukoy sa bilang ng nagpositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga nagpa-test.
Tumaas din ang reproduction number sa rehiyon sa 1.11 noong September 7 mula sa 0.93 noong August 31.
Ikinokonsidera namang mababa ang Average Daily Attack Rate (ADAR) sa NCR na nasa 5.58 per 100,000 population, kahit na nakitaan ito ng bahagyang pagtaas.
Nananatili ring mababa ang COVID-19 hospital bed at Intensive Care Unit occupancies sa 34.5% at 28.9%.
Samantala, pinaalalahanan ni David ang nasa vulnerable sector, partikular na ang mga senior citizen at may commorbidity na mag-ingat laban sa COVID-19.