Isang bahay ang labis na napinsala sa sunog na sumiklab sa Tulsa, Oklahoma, USA.
Noong una, inakalang nagsimula ang apoy dahil sa pumalyang power bank, subalit nang panoorin nila ang CCTV footage, dito nila natuklasang pinaglaruan pala ito ng isang aso!
Sa video, makikita ang isang puting aso na nakahiga sa kutson habang kinakagat ang isang power bank. Bigla itong kumislap at sumabog, dahilan upang masunog ang kutson.
Mabilis na kumalat ang apoy. Natupok na ang malaking bahagi ng bahay nang dumating ang Tulsa Fire Department (TFD).
Sa kabutihang palad, ligtas na nakalabas mula sa nasusunog na bahay ang dalawang aso at isang pusa. Napag-alamang wala ring tao sa loob ng bahay nang mangyari ang insidente.
Ayon kay Andy Little, spokesman ng TFD, sensitibo ang lithium-ion batteries na nasa power bank, kaya dapat itong ingatan.
Nagpaalala rin ang mga awtoridad sa publiko na itago ang mga baterya at tiyaking hindi ito maaabot ng mga bata at alagang hayop.