Sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng pulis at mga sundalo ang bahay ng alkalde ng Maasim, Sarangani Province.
Sa bisa ng warrant of arrest, pinasok ng awtoridad ang tahanan ni Mayor Aniceto “Jojo” Lopez sa barangay Lumasal kung saan nakuha ang mahigit isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng limang (5) milyong piso.
Nakuha rin sa raid ang mga pildoras ng ecstasy, laboratory equipment, iba’t ibang klase ng matataas na uri ng baril, pampasabog at mga bala.
Napag-alaman sa PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency Region 12 na mayroon rin silang nakuhang listahan ng mga kasamahan ng mayor sa di umano’y illegal na operasyon nito.
Gayunman, bigo ang awtoridad na madakip si Mayor Lopez dahil nakatakas di umano ito.
Si Lopez ay itinuturing ng PDEA Region 12 na drug lord at protektor ng teroristang grupo ng Ansar Al-Khalifa Philippines o AKP na di umano’y pinamumunuan ng isang Mohammad Jaafar na dati nang nasangkot sa mga pambobomba.
(Ulat ni Jonathan Andal)