Isinailalim sa localized quarantine simula ngayong araw na ito, ika-19 ng Agosto, hanggang sa ika-2 ng Setyembre, ang isang bahay at isang workers quarters sa dalawang barangay sa Taguig City.
Ayon sa Safe City Task Force, sakop ng localized quarantine ang isang home address lamang kung saan 20 residente rito ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Nasa 18 indibidwal naman ang nagpositibo sa COVID-19 mula sa workers’ quarters ng isang negosyo sa Barangay Palingon-Tipas.
Inirekomenda ng task force ang agarang lockdown sa nasabing bahay para hindi na magkahawahan pa sa lugar.
Mahigpit namang imo-monitor ang kalagayan ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa pamamagitan ng regular na pagsalang sa mga ito sa COVID-19 test.
Tatanggap naman ng social at economic support mula sa lokal na pamahalaan ang mga apektadong residente.