Unti – unti nang nasisira ang karagatan sa South China Sea.
Ito ayon kay Greg Poling, director ng Asia Maritime Transparency Initiative, bunsod ng ‘dredging’, pagkuha ng giant clam ng China at konstruksyon ng iba pang mga umaangking bansa.
Sira na aniya ang nasa isang daan at animnapung (160) square kilometer na bahura kaya naman animnapung porsyento (60%) na ang ibinagsak ng mga nahuhuling isda dito sa loob ng dalawang dekada.
Dahil dito, ipinanukala ni Poling na dapat magkasundo ang ‘claimant countries’ na bantayan ang karagatan kung saan nakatayo ang kanya – kanyang mga ‘outpost’.
Una dito, nadagdagan pa ang mga barko ng China sa may bahagi ng Panatag o Scarborough Shoal.
Batay sa ginawang pagpapatrolya ng militar, sinabi ni Lieutenant Colonel Isagani, tagapagsalita ng Northern Luzon Command, mula sa limang (5) barko ng China noong nakaraang linggo, ay naging siyam (9) na ito ngayon.
Tiniyak naman ng militar na tuloy – tuloy ang kanilang gagawing pagpapatrolya para maprotektahan ang teritoryo ng bansa.