Nanawagan ang AFP o Armed Forces of the Philipppines sa publiko na makiisa sa pagsugpo sa kasamaan na lumagalanap sa Mindanao at buong bansa.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla, hindi na lamang simpleng bakbakan ang nagaganap sa Marawi City, kundi laban na sa pagitan ng mabuti at masama.
Iginiit pa ni Padilla, hindi rin ito usapin ng relihiyon na tulad nang gustong palabasin ng mga terorista.
Aniya, apat (4) na lamang sa siyamnaput anim (96) na mga baranggay sa Marawi City ang may presensya pa ng Maute Group.
Mga nasawi sa Marawi sumampa na sa 310
Sumampa na sa tatlong daan at sampu (310) ang bilang ng mga nasawi dulot ng nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute Group sa Marawi City.
Batay sa ulat ng Armed Forces of the Philippines, nasa dalawang daan at dalawamput limang (225) terorista na ang kanilang napapatay.
Habang umabot naman sa limamput siyam (59) ang nasawi sa panig ng pamahalaan matapos malagasan ng isa pang sundalo.
Nasa dalawamput anim (26) naman ang bilang ng mga namatay na sibilyan.
Ayon pa kay Joint Task Force Marawi Commander Brig. Gen. Rolando Bautista, mahigit isang libo at animnaraang (1,600) mga sibilyang naipit sa Marawi City ang nailigtas na ng pamahalaan.
By Krista De Dios | With Report from Jonathan Andal