Patuloy pa rin ang bakbakan sa pagitan ng militar at nasa 200 miyembro ng Abu Sayyaf at iba pang teroristang grupo sa Patikul, Sulu.
Kasunod ito ng ikinasang combat operations ng 11th Infantry Division ng Philippine Army at Joint Task Force Sulu alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na tugisin ang mga nasa likod ng pagsabog sa Jolo Cathedral.
Ayon kay 11th infantry division commander Brig. Gen. Rey Pabayo Jr., nagsimulang umatake ang militar dakong ala siyete kaninang umaga matapos silang makatanggap ng impormasyong nagtitipon ang mga bandido sa masukal na bahagi ng patikul.
Sinabi ni Pabayo, nagkakasa umano ang mga bandido ng panibagong pag-atake sa mga sibilyan sa pamumuno nila asg leaders Radulam Sahiron at Hajan Sawadjaan.
Kasunod nito, lalung hinigpitan ng mga otoridad ang seguridad sa paligid ng Jolo.