Pinagkalooban na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng amnesty ang mga dating miyembro ng ilang rebeldeng grupo.
Matatandaang sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) na ginanap noong July 24, 2023, nangako si Pangulong Marcos na maglalabas siya ng proklamasyon upang mabigyan ng amnestiya ang mga rebeldeng susuko sa gobyerno.
Tumutukoy ang amnesty sa pagbibigay ng awtoridad ng official pardon o pagpapatawad sa mga nahatulan ng political offenses, kabilang na ang rebellion.
Sa ilalim ng Article VII, Section 19 ng 1987 Constitution, mayroong kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na magbigay ng amnesty kung majority ng mga miyembro ng Kongreso ang sang-ayon dito.
Ibinibigay ang amnesty sa sumukong miyembro ng mga rebeldeng grupo upang mahikayat silang magbalik-loob sa pamahalaan at sumunod sa batas.
Nabigyan ng amnesty ang mga sumusunod na grupo sa bisa ng Proclamation Nos. 403, 404, 405 at 406:
- Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB)
- Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF)
- Moro Islamic Liberation Front (MILF)
- Moro National Liberation Front (MNLF)
Hindi naman sakop ng amnestiya sa ilalim ng mga bagong proklamasyon ang paglabag sa mga sumusunod:
- kidnap for ransom
- massacre
- rape
- terrorism
- crimes committed against chastity
- illegal drugs
- genocide
- crimes against humanity
- war crimes
- torture
- enforced disappearances
- Geneva Convention of 1949 violations
- iba pang mahalay na paglabag sa karapatang-pantao
Alinsunod dito, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order (EO) No. 47 na nag-aamyenda sa EO No. 125, series of 2021 na lumikha sa National Amnesty Commission (NAC).
Sa bisa ng EO No. 47, i-uupdate ang mga tungkulin ng NAC upang maisali ang processing ng applications para sa amnesty ng mga rebeldeng grupo.
Ang pagbibigay ng amnestiya ay mahalagang parte ng comprehensive peace initiatives ng administrasyong Marcos upang magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.
Ayon nga sa Amnesty: A Blessing in Disguise? ni Pierre Hazan mula sa Center for Humanitarian Dialogue (HD), makatutulong ang amnestiya dahil mapabibilis nito ang pagkakaroon ng kapayapaan at mahihikayat ang mga rebelde na huwag nang makipaglaban sa sarili nitong bansa.