Sa panahon ngayon, isang click o tap mo lang sa iyong gadget, maaari ka nang kumonekta sa iyong mga mahal sa buhay.
Dahil nasa digital age na tayo, unti-unting nababawasan ang ating pisikal na interaksyon sa ating kapwa. At sa kasamaang palad, maging ang pagmamano ay unti-unti na ring nababaon sa limot.
Bahagi ng kultura at kaugalian nating mga Pilipino ang pagmamano. Mula ang salitang mano sa Spanish word na kamay. Sa madaling salita, ang literal na pagsasalin ng “mano po” ay “kamay mo po.”
Sa pamamagitan ng paghingi ng kamay at pagdampi nito sa noo, naipapakita natin ang respeto, paggalang, at pagmamahal natin sa mga mas nakatatanda.
Walang ibang kultura sa Asya, Europa, o maging sa Amerika ang gumagawa ng ganitong klaseng gesture bilang pagbibigay ng paggalang sa mga nakatatanda—ngunit hindi na ito laganap sa panahon ngayon.
Isa sa mga nakikitang dahilan nito ang paglaganap ng teknolohiya at globalisasyon kung saan naiimpluwensyahan ang kaugalian ng kabataan.
Hindi lamang isang simpleng tradisyon ang pagmamano. Isa itong paraan upang lumaking mabuti ang isang tao dahil matututo ang kabataang maging magalang at mapagkumbaba.
Nagbabago man ang panahon, mahalaga pa ring ituro ang pagmamano, hindi lang tuwing may okasyon kundi sa pang-araw araw na buhay, upang mapanatili ang tradisyon at kultura nating mga Pilipino.