A seafood to die for.
Ganito kung ilarawan ang gooseneck barnacles, isa sa mga pinakamahal na seafood sa buong mundo.
Nagkakahalaga ng $100 o halos P5,600 ang kada one pound ng gooseneck barnacles sa Spain at Portugal, kung saan ito itinuturing na delicacy.
Isang crustacean o shellfish ang gooseneck barnacle na nakadikit sa bato. Dahil mahal itong maibebenta, maraming mangingisda ang nagbubuwis ng kanilang buhay para mangolekta nito. Sa katunayan, limang tao ang namamatay tuwing harvest season ng gooseneck barnacles sa Spain.
Malapit sa dagat ang mga batong dinidikitan ng gooseneck barnacles. Kumakain ito ng plankton na nadadala ng dagat tuwing high tide. Kaya naman kung saan may malakas na alon, doon din makikita ang malalaki at matatabang barnacles.
Napaka-delikado nito para sa mga mangingisda, kaya sinusubukan nilang mangolekta tuwing low tide. Kadalasan, kailangan pa nilang maghintay hanggang gabi para lang makakuha nito.
Pili rin ang pagkuha sa gooseneck barnacles. Matapos kolektahin ang isang bato ng barnacles, kailangan itong protektahan sa loob ng anim na buwan upang hindi ito ma-extinct. At dahil nalilimitahan nito ang huli ng mga mangingisda, kailangan pa nilang maghanap pa sa ibang lugar kung saan may malakas na alon.
Crunchy sa unang kagat, ngunit malambot at halos natutunaw sa bibig ang lutong gooseneck barnacles. Kalasa nito ang oyster at lobster na may fresh saltwater taste.
Rare at nakamamatay man ang pagkuha sa gooseneck barnacles, worth it ito para sa mga nakatikim na.
Ikaw, susubukan mo bang tumikim ng gooseneck barnacles?