Bagama’t isa’t kalahating taon pa lang sa pwesto, 51% na sa Farm-to-Market Road Network Program ang natapos ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mula sa target nitong 131,410.66 km, 67,328.92 km o katumbas ng 32 times na road trip mula Aparri hanggang Jolo na ang nagawa ng pamahalaan.
Para kay Department of Agriculture (DA) Undersecretary Mercedita Sombilla, mahalaga ang pagkakaroon ng farm-to-market roads upang magkaroon ng connectivity lalo na sa mga liblib na lugar na malayo sa mga lungsod at mga konsyumer na nangangailangan ng mga produkto.
Kaya naman noong September 26, 2023, matatandaang inatasan ni Pangulong Marcos ang DA na gawing prayoridad ang pagpapatayo ng farm-to-market roads para sa efficient transportation. Aniya, dapat laging on-track ang pamahalaan sa National Farm-to-Market Roads Network Plan.
Ang National Farm-to-Market Roads Network Plan ang nagsisilbing guide ng pamahalaan sa implementasyon ng mas maayos na transportasyon ng agricultural at fishery products, mula sa sakahan o pangisdaan, patungong merkado, at sa kalaunan, sa hapagkainan ng pamilyang Pilipino.
Sa pagkakaroon ng mas maayos na farm-to-market roads, mas mapapadali na ang paghahatid ng mga magsasaka at mangingisda sa kanilang produkto. Para kay Usec. Sombilla, ang pagpapatayo ng farm-to-market roads ay nangangahulugan din ng karagdagang kita para sa mga magsasaka at mangingisda dahil bababa ang gastos sa paghahatid ng mga produkto sa market centers.
Kapag mas mataas ang kita at mas maganda ang business opportunities ng mga magsasaka, mas lalago ang agribusiness. Inaasahang magbibigay ito ng mas maraming trabaho para sa mga kababayan nating nasa rural areas.
Ayon kay Pangulong Marcos, hindi maganda ang mga kalsadang madalas daanan ng mga produktong pang-agrikultura. Ito ang nais niyang ayusin. Pangako ng Pangulo, kukumpletuhin ng pamahalaan ang target sa farm-to-market roads bago matapos ang kanyang termino.