Lahat tayo, kabisado ang Filipino folk song na “Bahay Kubo.” Sa kantang ito, 18 masusustansyang gulay ang nabanggit.
Ang mga gulay na ito ang mismong itinanim sa community gardens sa ilalim ng Kalinisan Day campaign ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG), umabot na sa 25,000 barangays sa buong bansa ang nakapagpatayo ng sariling community garden na may layong palakasin ang food security sa bansa.
Matatandaang inilunsad ang Kalinisan Day campaign ni Pangulong Marcos sa bisa ng Memorandum Circular No. 41 noong January 6, 2024, kasabay sa pagdiriwang ng Community Development Day.
Sa Kalinisan program, inatasan ang mga barangay sa buong bansa na mamigay ng mga binhi ng gulay at itanim ito sa kanilang community garden.
Ayon kay DILG Undersecretary Chito Valmocina, kadalasang instant noodles at sardinas ang kinakain ng mga mahihirap dahil mura ang mga ito. Upang matugunan ang isyu sa malnutrisyon, lalo na sa mga kabataan at senior citizens, hinihikayat ng DILG ang lahat ng sektor na makiisa sa pagtatanim.
Batay sa tala ng DILG, pinangunahan ng ahensya ang 42,000 na barangay; 82 na probinsya; at 1,700 na lungsod sa pagsasagawa ng cleanup drive, kabilang na ang community gardens at fisheries.
Pagtitiyak ni Usec. Valmocina, patuloy na sinisikap ng DILG ang pagkakaroon ng mas malinis na komunidad, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos.
Sa tuloy-tuloy na pagpapatupad at mahigpit na pagtutok sa Kalinisan program, maraming isyu sa bansa ang mareresolba katulad ng kalinisan, kagutuman, kahirapan, kalusugan, kalikasan, climate change, at global warming. Upang makamit ang pagkakaroon ng mas malinis at ligtas na komunidad saanmang sulok ng bansa, ayon kay Pangulong Marcos, kailangang manatili ang bayanihan spirit ng bawat Pilipino.