Inimbitahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Asia Zero Emission Community (AZEC) na mag-invest sa renewable energy industry at sa mga umuusbong na teknolohiya sa Pilipinas.
Sa ginanap na AZEC Leaders’ Meeting sa Tokyo, Japan nitong December 18, 2023, ipinakita ng Pangulo ang energy efficiency at conservation measures ng bansa.
Sasapi ang Pilipinas sa AZEC upang mapabilis ang isang malinis, sustainable, at affordable energy transition tungo sa carbon neutrality o net zero emissions, kasabay sa pagtiyak ng energy security ng bansa.
Ang AZEC ay isang plataporma na binubuo ng mga bansa sa Asya na nagsusulong sa pagbabawas ng greenhouse gas emissions. Greenhouse gases ang nagpapataas sa temperatura ng mundo na binubuo ng carbon dioxide, methane, ozone, nitrous oxide, chlorofluorocarbons, at water vapor. Nangyayari ang greenhouse effect kung nata-trap ang init malapit sa Earth’s surface na siyang nagdudulot ng global warming.
Naniniwala si Pangulong Marcos na ang pagpapalawak sa paggamit ng renewable energy sources ay mabisang paraan upang masolusyunan ang mga problema sa mataas na singil ng kuryente, climate change, at global warming.
Ayon sa Pangulo, nagtakda na ang pamahalaan ng target para itaas ang share ng renewable energy. By 2030, inaasahang 35% ng power mix ay renewable energy. By 2040, dapat maging 50% na ito base sa National Renewable Energy Program ng pamahalaan.
Upang makamit ito, niluwagan na aniya ng bansa ang foreign ownership restrictions para sa renewable energy projects. Siniguro rin ni Pangulong Marcos na maaaring mag-avail ng simplified rules at additional incentives gaya ng income tax holiday at duty-free importation ng capital equipment ang investors na magpapatayo ng renewable energy facilities sa bansa.
Maganda ang hakbang ni Pangulong Marcos na palawakin ang paggamit ng renewable energy sa bansa. Bukod sa maiiwasan nito ang paglala ng global warming at climate change, mapapababa nito ang presyo ng kuryente na malaking tulong para sa pangkaraniwang Pilipino.