Napakaraming netizens na ang naki-hashtag “KALINISAN sa Bagong Pilipinas” (#KALINISANsaBagongPilipinas).
Mula January 6 hanggang 7 ngayong taon, higit sa 90,000 Facebook posts na ang ginamitan ng hashtag na ito. 43,000 posts naman ang may hashtag “Build Better More” (#BuildBetterMore) at 40,000 posts sa hashtag “Clean Communities” (#CleanCommunities).
Simula nang pagdiriwang ng National Community Development Day noong January 6, 2024, libo-libong barangay at youth councils ang gumamit ng social media upang i-promote at ipakita ang implementasyon ng “Kalinga at Inisyatiba Para Sa Malinis na Bayan” (KALINISAN) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang mensahe, sinabi ni Pangulong Marcos na tututukan niya ang kaayusan at kalinisan sa bawat barangay. Kaya naman aniya, mahigpit niyang babantayan at pananatilihin ang positive momentum ng KALINISAN program ng administrasyon.
Ayon sa Pangulo, tuloy-tuloy ang pagpapatupad ng naturang nationwide clean-up program. Kada buwan, magkakaroon ng evaluation sa barangay council upang mabigyan ng pagkilala at parangal ang mga barangay na may outstanding performance pagdating sa kalinisan.
Naipakita sa ulat mula sa National Barangay Operations Office ng DILG na as of January 13, 2024, umabot sa 6.3 million kilograms ng basura na ang nakolekta ng higit sa 1.6 million Filipinos at 33,403 barangays na nakilahok sa programa sa buong bansa.
Para kay Pangulong Marcos, mahalaga ang papel ng bayanihan, partikular na sa paglilinis ng mga lansangan, kanal, palengke, at paaralan, sa pagkakaroon ng mas malinis at mas ligtas na mga komunidad saanmang sulok ng bansa.
Matatandaang noong January 3, 2024, nilagdaan ng Pangulo ang Memorandum Circular No. 41 na nag-aatas sa mga ahensya ng pamahalaan na ipagdiwang ang Community Development Week upang mas lumakas ang bayanihan spirit sa bansa. Sa paglulunsad ng KALINISAN program, naipakitang kaya pa ring panatilihin ng mga Pilipino ang kultura ng bayanihan at kooperasyon.
Ika nga ni Pangulong Marcos sa kanyang speech sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Multi-Stakeholder Forum noong October 5, 2022: “I have always believed that there is no greater shared responsibility than the care of our environment.”