Panahon na naman ng Kapaskuhan. Marami na namang mga bata ang uutusan ng kanilang mga magulang na mag-bless sa kanilang mga ninong at ninang para mabigyan ng aguinaldo.
Hindi na bago sa kultura nating mga Pilipino ang pagmamano. Ngunit pansin mo rin bang hindi na ito masyadong laganap ngayon, maliban na lang tuwing Kapaskuhan?
Bahagi ng kultura at kaugalian nating mga Pilipino ang pagmamano. Mula ang salitang mano sa Spanish word na kamay. Sa madaling salita, ang literal translation ng mano po ay “kamay mo po.”
Sa pamamagitan ng paghingi ng kamay ng mas nakatatanda at pagdampi nito sa noo natin, naipakikita na ang respeto, paggalang, at pagmamahal natin sa kanila.
Ayon kay Emmanuel Abalos ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas, walang ibang kultura sa Asya, Europa, o kahit sa Amerika ang gumagawa ng ganitong klaseng gesture bilang pagbigay ng paggalang sa mga nakatatanda.
Mula pagkabata, tinuturuan na ang mga Pilipino na irespeto ang mga matatanda—kapamilya man o hindi. Unfortunately, hindi na ito common sa panahon ngayon. Isa sa mga dahilan nito ang paglaganap ng teknolohiya at globalisasyon kung saan naiimpluwensyahan ang kaugalian ng mga kabataan. Isa rin sa mga dahilan ay ang pagka-busy ng mga magulang kaya hindi na nila consistent na natuturuang magmano ang kanilang mga anak.
Nagbabago man ang panahon, mahalaga pa ring ituro sa mga kabataan ang pagmamano, hindi lang tuwing Pasko kundi sa pang-araw araw na buhay, upang mapanatili ang tradisyon at kultura natin. Sa pagmamano, matututo ang mga kabataan maging magalang at mapagkumbaba.
Hindi lang isang simpleng tradisyon ang pagmamano, kundi isang paraan upang lumaking mabuti at marespeto ang isang tao. Kaya naman, huwag nating putulin ang kahanga-hangang tradisyong ito. Huwag mag-bless dahil may kapalit. Mag-bless dahil sumasalamin ito sa pagkatao mo.
Kaya ikaw, nagmano ka na ba?