Nitong December 22, 2023, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 50. Sa bisa ng kautusang ito, palalawigin hanggang December 31, 2024 ang pansamantalang modipikasyon ng taripa sa mga produktong bigas, mais, at karne.
Tumutukoy ang taripa sa buwis na ipinapatong ng isang bansa sa mga produktong inaangkat mula sa ibang bansa.
Pansamantalang binago ang import duty rates sa imported rice, corn, at meat products upang matiyak na affordable pa rin ang mga ito sa kabila ng mga epekto ng El Niño at African Swine Fever.
Sa bisa ng EO No. 10, series of 2022 ng National Economic Development Authority (NEDA), 15% in-quota at 25% out-quota ang taripa para sa karne ng baboy; 5% in-quota at 15% out-quota sa mais; at 35% in-quota at out-quota naman para sa bigas.
Matatandaang NEDA ang nagrekomenda sa temporary extension ng reduced Most Favored Nation (MFN) tariff rates sa ilang mga pangunahing bilihin. At sa ilalim naman ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act, may kapangyarihan ang Pangulo na taasan, bawasan, o alisin ang taripa bilang tugon sa rekomendasyon ng NEDA.
Ayon kay Pangulong Marcos, nabigyan ng katwiran ng kasalukuyang kondisyon ng ekonomiya ang pagpapalawig sa pansamantalang pagtatapyas sa taripa. Sa pagpapanatili ng abot-kayang presyo ng mga bilihin, masisiguro ang food security, matututukan ang inflation, at madadagdagan ang supply sa basic agricultural commodities ng bansa.
Sa kabila ng mga hindi maiiwasang sitwasyon gaya ng El Niño phenomenon at African Swine Fever, maganda ang aksyon ng administrasyong Marcos na paghandaan at tiyakin na magkakaroon pa rin ng sapat at abot-kayang pagkain ang bawat Pilipino.