Limitado na ang suplay ng bakuna kontra COVID-19 para sa first dose sa Metro Manila, ngayong araw na ito.
Sa Lungsod ng Maynila, bagamat libo-libo ang nabakunahan kahapon, Martes, tigil muna ang pagbabakuna para sa unang dose at tanging para sa second dose lamang ang naka-schedule ngayong araw na ito.
Sa Malabon, isinara muna ngayong araw na ito ang Mega Vaccination Center at itinigil ang walk-in sa mga vaccination center dahil pa rin sa limitadong suplay.
Una na ring nag anunsyo ng suspendidong first dose ng vaccination ang Makati, Muntinlupa, Paranaque, Valenzuela at Las Piñas.
Ayon sa mga LGU, wala pang dumarating na bakuna mula sa national government at naghihintay rin sa pagdating ng mga bakunang binili nila mismo.
Samantala, inaasahang mamayang gabi ay darating ang 170,000 doses ng Sputnik V vaccine gayundin ang mga bakunang gawa ng Astrazeneca at Sinovac ngayong weekend.