Iginiit ng Department of Health na bawal pa ring bakunahan kontra COVID-19 ang mga menor-de-edad kahit na may iniindang sakit na saklaw ng priority sa vaccine o may commorbidities.
Taliwas ito sa pahayag ng National Task Force against COVID-19 na puwede ng turukan ng Pfizer vaccine ang mga edad 12 hanggang disi 17 na may karamdaman.
Ayon kay health undersecretary Maria Rosario Vergeire, wala pang rekomendasyon ang mga eksperto na bakunahan ang nasabing age group.
Nais pa rin aniya nilang matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan kaya’t kailangan pa ng karagdagang ebidensya at pag-aaral.
Ito’y sa kabila ng inilabas na emergency use authorization ng food administration sa COVID-19 vaccines ng Pfizer para sa mga edad 12 hanggang 17.
Ipinunto ni Vergeire na dapat munang iprayoridad ang mga senior citizen, persons with commorbidities at healthcare worker sa vaccination dahil ang mga ito ang pinaka-lantad sa COVID-19.—sa panulat ni Drew Nacino